Thursday, September 23, 2010

Si Juan dela Cruz sa entablado ng mundo

(Speech nako, activity sa Filipino 22!)


Kilalanin si Juan dela Cruz. Balat ay kulay-kayumanggi. Tahana’y sa munting bahay-kubo na napapaligiran ng halimuyak ng sampaguita. Katawa’y nakabalot sa kanyang mahiblang barong-tagalog. Sipag at tiyaga’y kahambing ng ‘sang kalabaw. Nagkamulat na mahirap kaya’t di’ naninibago sa karukhaan. Buhay niya: isang kahig, isang tuka! Gayunpaman, sa kabila ng kahirapang kinasasadlakan, si Juan ay tunay na hinahangaan ng buong mundo. Sa anumang larangan – palakasan, musika at marami pang iba – siya’y namamayagpag. Siya’y tanyag sa buong mundo – sapagkat si Juan ay isang PILIPINO!

Mga minamahal kong kaibigan at kababayan, bilang pambungad, pahintulutan niyo akong ibuhos ang aking malugod na pagbati sa inyong lahat ng isang MAGANDANG HAPON!

Ako’y naririto sa inyong harapan upang ipabatid na ang Juan dela Cruz na patuloy na inaabot ang tugatog ng katanyagan sa pandaigdigang entablado ay salamin ng bawat Pilipino. Ito’y nangangahulugan lamang na sa bawat isa sa atin nananalaytay ang dugo ni Juan dela Cruz – ang Juan na maaaring maging susunod na Manny ‘Pacman’ Pacquiao; ang inaasahang susunod sa mga yapak ng matagumpay na mang-aawit na sina Charice Pempengco at Arnel Pineda; ang ipinagdarasal na magmamana at susungkit ng korona matapos kay Maria Venus Raj; ang magpapatuloy sa kabayanihan ni Efren Peñaflorida; at ang tutulad sa sinibak na pulis na si Rolando Mendoza? Nawa’y huwag naman sana!

Nagimbal nga hindi lamang ang bansa kundi maging ang apat na sulok ng mundo matapos ng masaklap at kahindik-hindik na hostage crisis na kinasangkutan ni dating Police Senior Inspector Rolando Mendoza at ng ilang mga dayuhang nais lamang maglibang dito sa ating bansa. Isang kaganapang nauwi sa isang madugong larawan. Isang nakapanlulumong trahedya na naghatid ngayon sa ating bansa sa bumabahang kahihiyan. Sa ngayon, binabato tayo ng masasakit na pintas at batikos mula sa mga dayuhan, lalo na ng Hongkong, na nakasaksi sa kapalpakan at kakulangan ng Pilipinas sa pagtugon sa nasabing insidente. Kasinglungkot ng pagkamatay ng mga sangkot, nakapandudurog-puso rin na basta-basta na lamang nilalait ng marami ang lahi ni Juan dela Cruz dahil lamang sa iisang pangyayari. Maging si Pangulong Noynoy Aquino’y hindi rin nakalusot sa pangungutya. Sa kasalukuyan, ang imahe ni Juan dela Cruz ay ang mismong mukha ni ROLANDO MENDOZA!

Mga kaibigan, hindi ko layon ang magbintang o sisihin ang kung sinuman. Ngayong wasak na ang imahen ng bayang Pilipinas, ang ninanais ko lamang ay maipabatid sa buong mundo na hindi lahat ng Pilipino ay katulad ni Mendoza. Hindi lahat ay mamamatay-tao. Hindi lahat ay pusong-bato.

Ang PILIPINO ay likas na mabuti. Sa katunayan, bantog ang mga Pilipino sa kanilang katangiang tumanggap ng mga panauhin na para bagang sariling mga kaanak lamang. Siya’y mapagmahal at maunawa. Kabiyak ng kanyang takot sa Diyos, nagsusumikap siya upang maabot ang kanyang mga pangarap. Sa kabila ng mga balakid sa buhay, hindi namamatay ang alab ng kanyang pagpupursige, bagkus, lalo pa siyang nauudyok na magsumikap at magtiyaga alang-alang sa kanyang mga pinaninindigang prinsipyo sa buhay. Gayon nga’y nagawang masungkit nina Pacquiao, Pempengco, Pineda, Raj, Peñaflorida at marami pang matagumpay na Pilipino ang kanilang mga pangarap sa buhay kupkop ang mga natatanging katangiang PILIPINO!

Ngayon, mula sa karagatan ng kahihiyan, umahon tayo! Huwag tayong magpagapi sa agos ng rumaragasang suklam ng mundo. Mapait man ang sinapit ng mga biktima, kasuklam-suklam man ang ginawa ni Mendoza, bumangon tayo dala ang mga napulot na aral! Malabo mang maghilom ang sugat, subukan nating itayo ang nawasak na larawan ng Pilipinas at muling ibandila ang pangalan nito sa buong daigdig! Mahirap man ilibing sa limot ang trahedya, kumapit pa rin tayo sa positibong banda. Kumapit tayo sa mga mabubuting katangian ni Juan na nagdala sa atin sa pandaigdigang entablado.

Sa kasagsagan ng mga pangyayari, ito ang pangarap ko: na sana’y makitang muli ng mundo ang Pilipino sa larawan ng isang TUNAY NA PILIPINO – at tuluyang maaninag muli si Juan dela Cruz sa tinitingalang entablado ng mundo!

Maraming salamat! Pagpalain nawa tayong lahat!

No comments:

Post a Comment